Friday, June 4, 2010

Nazareno



mga paang itim at balat na sunog, sandamakmak na pawis at kalyo
ng mga mamang kuwarenta't singkuwenta y anyos
ang bumalot sa Quiapo't C.M. Recto

singkapal ng EDSA Dos at Tres ang nag-tila
dagat na mga debotong ninasang masilaya't
mahawakan ang magarbong karo ng santong itim

sa lansangan nasilayan ang daan-daan at libo- libo
mga Good Morning at Sandong tatak Nazareno
sabay hithit ng sigarilyo’t pagte-text ng todo-todo

nilakad ng malayo ang daan patungong pista
dahil ito daw ay sakripisyo sabi ng iba
sa aking isip, “ang Nazareno, may pagka-Sadista ba?”

sa wakas ang tampok ay siya na ring inilabas
naka-kapa ng telang mas mahal sa ‘sang sakong bigas
nakakorona ng gintong ninanasa ng mga balasubas

sa kanilang paniwala buhay ay mababago
kapag nahawaka’t napunasan itong itim na santo
na ayon sa kanila’y siyang pag-asa ng buong mundo

ang aking tanong, bakit ang pag-babago
hinihingi natin sa isang itim na santo
gayung tayo naman ang siyang gagawa nito

mahirap bang magsakripisyo para sa kapwa tao
magsilbi ng marangal, at maglingkod ng totoo
ng hindi na kailangang ibigay ng Nazareno

sa dalang krus na itim ng santong sunog
at mga panalanging lib- libo na sa kanya’y bumugbog
may pag-asa pa kaya o sagot na hinuhubog

kailan bababa ang Nazareno sa karo
upang sabihing hunghang at ipokrito ang tao
mga daan-daan sumasali’t hindi naman nagbabago

ihampas ang krus sa mga deboto
upang kumilos at baguhin ang buhay na magulo
at magsimulang ituwid ang buhay sa mundo

o santong Nazareno kung buhay ka ngang talaga
bakit di tumakbo sa eleksyon, tiyak mananalo ka
ang problema ang santo ay kahoy lang talaga

sa sunog na balat at maputik na yapak
kailan mo lilinisin ang bulok na tatak
at mga pangakong matagal ng alam na wasak

sa pagsigaw ng viva viva viva
isipin ang buhay at kapakanan ng iba
ito ang gintong batas di ba sabi nila

Nazareno, Nazareno sa Quiapong magulo
walang himalang mangyayari ang manggagaling sa'yo
dahil tanging ang tao ang siyang susi sa pag-babago


Author's Note:

I respect people's devotion and intention in continuously patronizing the Feast of the Black Nazarene. This poem was written as an expression of an observation and personal belief of the author. We can all live in harmony by agreeing to disagree.

No comments:

Post a Comment