BONELESS
Hinati na ng tindero
ang hawak nyang bangus
gamit ang kutsilyo’t
pamukpok nang masigurong
walang tinik na sasabit sa bawat paghiwa.
Duguan ang bangus. Isang buwan at lingo
Bago siya malambat, isa lamang siyang
Inosenteng isda. Pinalaki sa isang malayang
Palaisdaan na kung saan sila’y nakakakain
At tahimik na nakalalangoy. Bawat kaliskis ay
Masusing inalagaan, ang kanyang buntot
Maliksing hinubog ng panahon, ang kutis nyang
Busilak at ang hasang nyang sariwa
Ang nagpabighani sa isang mangingisdang
Ang alam lamang gawin ay ang manghuli’t
Magbenta sa palengke ng mga katulad niya.
Bakit sa dinami dami ng isda sa mundo, bakit
Siya pa ang nalambat? Maraming isda, ngunit iilan lamang
Ang inaalagaan. Iilan lamang ang nasa aquarium na may oxygen,
Na kung minsan, kung suswertehin, ay may kastilyo pang kasama
Tulad ng isang prinsesa.
Ang mga katulad niya, sa marungis at
Mabahong palengke ang bagsak.
Hinati na ng tindero
ang hawak nyang bangus
gamit ang kutsilyo’t
pamukpok nang masigurong
walang tinik na sasabit sa bawat mariing paghiwa.
Kinaliskisan, hinugutan ng hasang.
Pinutol ang buntot.
Isa isang tinanggal ang kinang at kintab
Sa kanyang katawan at
winasak ang kanyang pagka-isda
upang madaliang makain ng bibili.
Mas mahal talaga ang ‘boneless’.
No comments:
Post a Comment